Apat na araw matapos ang eleksyon, daan-daang residente sa bayan ng Tubaran, Lanao del Sur ang nag-picket at nag-barikada sa labas ng munisipyo, simula pa noong Martes.
Ito’y upang pigilan ang pagbiyahe ng unused ballots, vote-counting machines at iba pang election paraphernalia hangga’t hindi nareresolba ang kontrobersya sa last-minute reclustering ng tatlong voting centers.
Dahil sa standoff, naunsyami ang balloting para sa labindalawa sa dalawampu’t isang barangay na katumbas ng animnalibong botante.
Sa dalawampu’t isa, siyam lamang ang nakaboto, ito ang mga barangay Alog, Dinaigan, Gaput, Madaya, Tubaran Proper, Beta, Pagalamatan, Campo, Buribid at Polo.
Ipino-protesta ng mga residente ang biglaang pagdaragdag ng isa pang clustered voting center mula sa dating tatlo.
Malayo anila sa kanilang lugar ang ika-apat na voting center na matatagpuan din sa barangay kung saan mayroon silang rido.
Ipinag-utos umano ng Comelec ang reclustering ng voting centers kaya’t nagsuspetsa ang mga residente, partikular ang mga supporter ni incumbent mayor Yassin Papandayan na tumatakbo para sa ikatlong termino.
Kabilang ang Tubaran sa mga lugar sa Lanao del Sur na nagdeklara ng failure of elections.