Isang tagumpay ng Pilipinas ang resulta ng opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior sa Estados Unidos, na nagbukas ng mas maraming oportunidad sa kalakalan at depensa na nagpapalakas sa posisyon ng bansa sa buong mundo.
Ayon kay Leyte Rep. Martin Romualdez, ang naging pag-uusap nina Pangulong Marcos at US President Donald Trump ay naglatag ng matibay na pundasyon para sa mas bukas na kalakalan, mas matibay na ugnayang militar, at mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino, sa loob man o labas ng bansa.
Ayon sa lider ng Kamara, hindi lamang ito isang official working visit bagkus isang pagpapakita ng kumpiyansa na handang manguna, makipagkumpetensya at tumindig ang Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
Sa naging opisyal na pahayag ni US President Trump, pinapupurihan nito ang matagumpay na pagtatapos ng isang kasunduan sa kalakalan at inilarawan ang pakikipagpulong kay Marcos bilang isang “beautiful visit,” na kanya ring kinilala bilang isang “highly respected” at “tough negotiator.”
Binigyang-diin ni Romualdez, na siya ring pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats, na ang bagong kasunduang ito ay nagbubukas ng mas malawak na kalakalan para sa mga produktong Pilipino, lalo na para sa mga micro, small, at medium enterprises na nais lumago at makipagsabayan sa pandaigdigang ekonomiya.