Naniniwala si Palawan 3rd District Rep. Edward Hagedorn, na ang pagbisita ni US Vice President Kamala Harris, ang isa sa magpapasigla sa turismo ng bansa partikular na sa Puerto Princesa, Palawan.
Ayon sa mambabatas, malaking bagay sa kasaysayan ng kanilang lalawigan, na bisitahin ng ikalawa sa pinakamataas na lider ng Amerika kung saan, posible itong makahatak ng mas marami pang mga turista.
Kumpiyansa ang dating alkalde ng Puerto Princesa, na ang pagpunta ni Kamala ang magtutulak sa iba pang mga bansa na magtungo at mamuhunan rin sa Pilipinas.
Iginiit ni Hagedorn na ang ginawang pagbisita ni Kamala ay hindi magdudulot ng giyera sa pagitan ng US at China dahil na rin sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ng mambabatas na malabong sumiklab ang digmaan dahil ayaw umano ng lahat ng bansa sa gulo at kakayanin naman na maidaan sa mapayapang usapin ang isyu ng territorial conflict sa WPS.