Sa patuloy na pag-iimbestiga hinggil sa ghost o substandard flood control projects, nagsimula nang mag-alsa ang galit na taumbayan na humihingi ng hustisya para sa pinagpaguran nilang pera na ginamit lang umano ng mga kontratista sa katiwalian at pansariling interes.
Kung ano ang sinisigaw ng mga raliyista? Transparency mula sa gobyerno, pananagutan at pagpapakulong sa mga mapapatunayang may sala, pagpapatalsik sa mga tiwali, at higit sa lahat ay ang maibalik ang pera na ang puhunan ay ang kanilang dugo’t pawis.
Kaugnay nito, sinabi ni Newly-Appointed Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na inihahanda na nila ang mga kasong isasampa laban sa mga indibidwal na mapapatunayang guilty.
Pero paninigurado niya, hindi doon titigil ang gagawin nilang aksyon dahil sisiguraduhin nila na mababawi ang perang ginastos sa maanomalyang mga proyekto.
Para mapabilis ang proseso, sinabi ni Sec. Dizon na siya mismo ang pupunta sa anti-money laundering council para alamin ang tamang proseso para maibalik ang mga nagamit na pera.
Nang tanungin naman kung ano ang mga nadiskubre ng bagong sekretarya sa bago niyang pinamumunuan, sinabi ni Sec. Dizon na kakulangan sa project monitoring ang nakikita niyang malaking problema sa ahensya.
Dagdag pa ni Sec. Dizon, susundin niya ang payo ng mga nagdaang DPWH secretaries at iimplementahan ito sa mga susunod na linggo at buwan.
Para naman sa lifestyle checking na paboritong topic ng mga netizen online, wag kayong mag-alala dahil kinumpirma ni Sec. Dizon na sumasailalim na sa pagsusuri ang mga dapat imbestigahan.
Nanawagan pa ang kalihim na agad na ipagbigay-alam sa kanila kung sakaling mayroong DPWH official na mahuhuli na naman sa akto na nagfi-flex ng kanilang sosyal na lifestyle.