Naging payapa ang pagbabalik Oplan Tokhang ng Philippine National Police sa mga bahay ng mga hinihinalang drug user at pusher, kahapon.
Kabilang sa sinuyod ng mga otoridad sa pangunguna ng Eastern Police District ang barangay Kalawaan, Pasig City kung saan anim ang nasa watch list.
Gayunman, nilinaw ni EPD Director, Chief Supt. Reynaldo Guban Biay, na bahagi ng mga bagong alituntunin sa “tokhang” ang pagbabawal sa puwersahang pagpasok sa bahay ng mga hinihinalang user at pusher.
Lilimitahan naman mula alas otso ng umaga hanggang ala singko ng hapon ang mga operasyon.
Nag-ikot din ang mga pulis sa Caloocan at namigay ng mga flyer sa mga residente bilang paalala sa mga epekto ng droga sa kalusugan.
Sinamahan naman ng mga pulis Maynila ang mga miyembro ng religious, human rights at media groups sa kanilang operasyon sa Raxabago, Tondo kung saan isang lalaki ang inimbitahan na sumuko sa barangay.
Dahil dito, tila nabunutan ng tinik sa dibdib ang ibang sumuko at mas kampante silang nagtungo sa barangay nang wala umanong patayan at dahas.
NCRPO Chief, Dir. Albayade at QCPD Dir., Chief Supt Eleazar pinangunahan ang Tokhang Reloaded
Pinangunahan naman nina National Capital Region Police Office Chief, Dir. Oscar Albayalde at Quezon City Police District Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar ang pagbabalik ng “Oplan Tokhang” sa Batasan Hills, Quezon City.
Ayon kay Albayalde, walang naitalang karahasan o patayan sa paglulunsad ng “Tokhang” sa Quezon City sa kabila ng pangamba ng ilang kritiko na magiging madugo muli ang anti-illegal drugs campaign ng Duterte Administration.
Wala naman anyang panghuhuling ginawa kaya’t hindi nila inaasahan na magkakaroon ng anumang engkwentro sa pagitan ng mga pulis at mga hinihinalang drug user at pusher.
Samantala, sabay-sabay ding naglunsad ng Oplan Tokhang ang lahat ng unit ng PNP sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad sa Pangasinan, Palawan at General Santos City.