Suportado ng ilang senador ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ibalik ang dating sistema kung saan humihingi muna ng approval sa local government unit ang mga ahensya ng pamahalaan, partikular ang Department of Public Works and Highways bago ipatupad ang mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Ayon kay Senador JV Ejercito, sang-ayon siya na magkaroon ng papel o partisipasyon ang LGU sa implementasyon ng mga proyekto ng gobyerno para maiwasan anya ang pagkakaroon ng ma-anomalya at ghost flood control projects.
Naniniwala si Senador Ejercito na mas mainam na dumaan sa pag-apruba ang isang proyekto na popondohan ng gobyerno, sa halip na mga district office lang ng DPWH ang nakakaalam.
Iginiit naman ni Senador Erwin Tulfo na tama lang na dumaan sa mga LGU ang ipapatupad na government projects dahil ang mga ito aniya at mga residente ang makikinabang ng mga proyekto.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Sen. Tulfo na dapat pumasa sa quality standard ang mga ipatatayong proyekto.