Nagkaloob ang United States government ng mahigit 11.5 million pesos na halaga ng medical supplies at equipment sa Surigao Del Norte.
Ito ay bilang bahagi ng pagsuporta nito sa COVID-19 response at disaster recovery efforts matapos ang pinsalang idinulot ng Bagyong Odette noong nakaraang taon.
Kabilang sa itinurn over ng US Agency for International Development (USAID) sa Siargao Island ang rapid antigen test kits, generator sets at field tents, laptops at routers, oxygen tanks, oxygen concentrators, at vital sign monitoring equipment.
Ayon sa US Embassy, ang naturang assistance ay makakatulong sa lokal na pamahalaan upang mas maraming residente ang masuri, gayundin ang pagsusulong ng home-care strategies para sa mild at asymptomatic COVID cases.
Pagpapakita rin anila ito ng patuloy na suporta ng US government sa pagtugon sa COVID-19 at mental health sa panahon ng crisis.
Sa ngayon ay umabot na sa kabuuang 1.7 billion pesos ang naibigay ng USAID bilang emergency humanitarian relief assistance at COVID-19 medical equipment at laboratory supplies sa mga komunidad na naapektuhan ng Bagyong Odette.