Idineklara na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang October 31 ngayong taon bilang special non-working holiday.
Ito ang inanunsyo ni Office of the Press Secretary Officer In Charge Undersecretary Cheloy Garafil sa press briefing ng Malakanyang kanina, matapos aniyang lagdaan ng pangulo ang isang proklamasyon na may kinalaman dito.
Ayon kay Garafil, ginawa ang nasabing hakbang upang mabigyan ng mahaba-habang panahon ang ating mga kababayan na gunitain ang panahon ng Undas.
Dahil ang October 31 ay Lunes, magiging long weekend ang bago magkatapusan ng buwan o mula Sabado, October 29 hanggang sa November 1, All Saints Day, araw ng Martes.
Bunga nito, sinabi ni Garafil na magkakaroon ng sapat na panahon ang ating mga kababayan para makauwi sa kani-kanilang mga probinsya para dalawin ang mga namayapa nilang mga mahal sa buhay. —sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)