Manganganak na lang, napa-duty pa! Ganyan ang nangyari sa isang obstetrician sa Frankfort, Kentucky na naghahanda na sanang manganak pero inuna muna ang kapwa niya pasyente na nangangailangan ng immediate medical attention.
Kung naging matagumpay ba ang pagpapaanak ng buntis na doktor, eto.
Isang araw, nagtungo sa Frankfort Regional Medical Center ang obstetrician na si Amanda Hess hindi bilang isang doktor kundi bilang isang pasyente para isilang ang kaniyang second baby.
Habang hinihintay ni Dr. Hess na magsimula ang procedure para sa kaniyang pagle-labor, napansin niya na sa kalapit niyang kwarto ay mayroong babaeng nagkakaroon ng contractions at nakita rin niya na mayroong mga nurse na nagtatakbuhan.
Sa kasamaang palad, noong mga oras na ‘yon ay wala sa ospital ang kanilang on-call OBGYN at nasa byahe pa lang pabalik sa ospital.
Mabuti na lang at nasa ospital si Dr. Hess, na bagama’t malapit na ring manganak ay walang pagdadalawang isip na tumugon muna sa tawag ng tungkulin, lalo na at nakapulupot na umano ang umbilical cord sa leeg ng baby ng pasyente at humihina na rin ang heartbeat ng bata.
Sa tulong ng buntis na doktor, matagumpay at ligtas na isinilang ng pasyente na si Leah Halliday-Johnson ang pang-apat niyang anak.
Samantala, pagkatapos ng tila isang normal na araw sa trabaho, bumalik si Dr. Hess sa kwarto kung saan siya naka-admit at pagkalipas lang ng labinisang oras ay winelcome na niya ang pangalawa niyang anak na si Ellen Joyce.
Sa mga female doctors diyan, pwede niyo bang i-share ang kakatuwang kwento ng pagbubuntis niyo while on duty?