Pinagpapaliwanag ng National Bureau of Investigation (NBI) si Pasig City Mayor Vico Sotto hingil sa posibleng paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay NBI deputy director at spokesman Ferdinand Lavin, pinadalhan na nila ng sulat si Sotto para personal na magpaliwanag sa main office ng ahensya sa April 7.
Kaugnay ito sa umano’y hindi pagsunod ni Sotto bilang local government unit (LGU) official sa national government policies o directives sa pagpapatupad ng quarantine sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Kinuwestyon naman ni Mayor Sotto ang alegasyong paglabag niya sa nasabing batas.
Binigyang diin ni Sotto na mahigpit silang sumusunod sa lahat ng direktiba ng national government at hindi naman aniya iligal na magbigay ng opinyon.
Binalikan ni Sotto ang mga bumabatikos sa kaniya na maaaring hindi batid ng mga ito na March 24 pa lang naging batas ang Bayanihan Act.
Sinabi ng alkalde na pinagpapaliwanag siya dahil sa paglabag sa nasabing batas nang payagan ang patuloy na operasyon ng mga tricycle sa mga unang araw nang implementasyon ng enhanced community quarantine para isakay ang mga health workers sa mga ospital.