Susubukan ng Malacañang na pigilan ang nakaambang pagtataas ng singil sa pamasahe ng Light Rail Transit (LRT) sa Agosto.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque kakausapin niya si Transportation Secretary Arthur Tugade upang tingnan kung may magagawa pa para di matuloy ang hirit na fare increase.
Dagdag ni Roque, hindi rin kagustuhan ng Palasyo na mahirapan ang mga pasahero dahil sa panibagong pasanin na dagdag pasahe sa LRT.
Gayunman, sinabi ni Roque na kung hindi na maaari itong pigilan o ipagpaliban ay walang magagawa kung hindi itataas talaga ang singil sa pamasahe.
Magugunitang inihayag ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na nakatakda silang magtaas ng singil sa pasahe na aabot sa P5 hanggang P7 upang mabawi umano ang ginastos na 8 bilyong piso para mapahusay ang pasilidad ng LRT-1.
—-