Naghain na rin ng courtesy resignation si Manila Police District (MPD) Director Brig. Gen. Andre Dizon.
Sa harap ng kanyang mga tauhan sa MPD headquarters, ipinakita ni Dizon ang kanyang courtesy resignation kung saan naging emosyonal ito.
Sinabi pa nito na naipadala na niya ang kopya ng kanyang courtesy resignation sa headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame gayundin sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ayon pa kay Dizon, suportado niya ang panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga general at colonel na magbitiw na dahil sa pagkakasangkot umano sa iligal na droga.
Sa loob aniya ng mahigit 30 taon sa serbisyo, ngayon lamang siya kumasa sa panawagan upang mapangalagaan ang kanyang kredibilidad at maging ng PNP.
Tiniyak naman ni Dizon na magtutuloy tuloy ang kanyang trabaho hangga’t hindi pa inaaprubahan ang kanyang courtesy resignation, kung saan nakatutok aniya siya ngayon sa Nazareno 2023.
Hinimok naman ni Dizon ang iba pang opisyal ng mpd na sumunod sa kanyang hakbang ngunit nilinaw nito na boluntaryo ito at hindi sapilitan.