Bukod sa magagarang mga sasakyan at lavish lifestyle ng mga itinuturong sangkot sa anomalous flood control projects pati na rin ang kaniya-kaniya nilang mga pamilya, dumagdag pa ang nakapanlulumong balita na inilustay ng limang kawani mula sa DPWH Bulacan First District Engineering Office ang halos isang bilyong pisong halaga ng pera mula sa taumbayan sa mga casino.
Tinatawag ngayon na bgc boys ang limang engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Edrick San Diego matapos silang bansagan ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ng ‘Bulacan Group of Contractors.’
Kaugnay sa anggulong ito ng isyu, nang tanungin ang chairman ng Senate Committee on Games and Amusements na si Sen. Erwin Tulfo sa opisyal na panayam ng DWIZ kung paano nga ba talaga nakakapuslit ang BGC boys sa mga casino at nagagawang magwaldas ng milyun-milyong halaga ng pera, sinabi nito na may kakulangan ang mga staff ng casino sa kanilang responsibilidad.
Dagdag pa niya, makikita naman daw sa apelido ng BGC boys na hindi kilalang personalidad ang mga ito at hindi nagmula sa mayayamang angkan, kung kaya dapat daw ay pinagdudahan na ito ng mga staff ng casino at inireport sa Anti-Money Laundering Council.
Matatandaan na ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation, nagkakahalaga ng tumataginting na P950 million ang ipinatalo ng BGC boys sa 13 casino sa Metro Manila, Cebu, at Pampanga.
At eto pa, ang mga engineer, nagpupunta pa sa casino na may sandamakmak na cash-on-hand at inilalagay lang sa maleta.
Samantala, kaugnay nito, nakikipagtulungan na si DPWH Sec. Vince Dizon sa Anti-Money Laundering Council para maipa-freeze na ang assets ng mga sangkot umano na contractors at opisyal ng gobyerno sa flood control projects.
Gayunpaman, nakapanlulumo man isipin na ang kinakaltas na tax sa pera na pinaghihirapan nating kitain sa araw-araw ay napunta sa personal na interes ng mga umano’y sangkot na ito at hindi sa kapakinabangan nating lahat, sinampahan naman na ni Sec. Dizon ng kasong Graft and Corruption at Government Procurement Act ang dalawampung opisyal at empleyado ng Bulacan 1st District Engineering Office.