Maghahain ang United People Against Corruption ng indemnity class suit laban sa mga kongresista, kontratista at opisyal ng pamahalaan na sangkot sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways.
Batay sa mga reklamo ng mga pamilya at komunidad na paulit-ulit na binabaha, malinaw na hindi lamang bilyon-bilyong pisong pondo ang nilustay, kundi pati buhay, tahanan, at kabuhayan ng mamamayan ang isinugal kapalit ng kikbak at pandarambong.
Kabilang sa mga unang kakasuhan ng UPAC ang apat na kongresista ng Quezon City na may direktang kinalaman sa mga maanomalyang proyekto sa kani-kanilang distrito:
• Juan Carlos “Arjo” Atayde, kinatawan ng Unang Distrito
• Marvin Rillo, dating kinatawan ng Ika-apat na Distrito
• Patrick Michael “PM” Vargas, kinatawan ng Ikalimang Distrito
• Marivic Co-Pilar, kinatawan ng Ika-anim na Distrito
Bukod sa mga ito, kasama rin sa isasampang kaso ang ilang pambansang mambabatas at mataas na opisyal ng gobyerno na umano’y nakinabang sa malawakang korapsyon sa flood control projects, kabilang sina:
Former Senate President Francis Joseph “Chiz” Escudero
Sen. Jose “Jinggoy” Estrada Jr.
Sen. Emmanuel Joel Villanueva
Sen. Mark Villar
Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go
Sen. Alan Peter Cayetano
Sen. Rodante D. Marcoleta
Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Former Sen. Maria Lourdes Nancy Binay
Former House Speaker Ferdinand Martin Romualdez
Rep. Jose “Zaldy” Co
Mga district engineer, kontratista, at lokal na opisyal na nakinabang sa anomalya
Ayon sa UPAC, layon ng indemnity class suit na tiyakin ang tatlong bagay: pananagutan, hustisya, at kompensasyon para sa mga biktima ng kapabayaan at katiwalian.