Hindi dapat palampasin ang mga taong nangloloko sa taumbayan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ito ang inihayag ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. makaraang igiit na dapat managot ang sinumang binayaran para siya ay siraan noong panahon ng kampanya.
Ito ang dahilan kaya, aniya, sila ay maghahain ng kasong cyberlibel sa mga sangkot at nasa likod ng mapanirang social media post laban sa kanya, lalo noong palapit na halalan.
Marami, aniya, ang kabataan na bomoboto na hindi alam ang totoong nangyari kaugnay ng kanyang kasong plunder, kung saan siya ay pinawalang-sala ng Sandiganbayan at walang anumang naging utos para siya ay magsoli ng anumang halaga ng pera.
Nilinaw ni Revilla na hindi niya kinukuwestyon ang resulta ng halalan. Kahit na siya ay pang-14, dapat, aniya, itong respetuhin.
Ngunit ang nakikita nilang dahilan ay marami sa mga botante ang napaniwala sa mga pag-atake sa kanya gamit ang fake news.
Una rito, sinabi ni Atty. Raymond Fortun, legal counsel ni Senator Revilla, na lima hanggang sampu ang ipaghaharap nila ng kasong cyber libel.