Nanindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na hindi ito magpapa-apekto sa online petition na humihirit na tanggalin na ang July 21 order na nagbabawal sa mga Transport Network Company tulad ng Grab at Uber na tumanggap ng mga bagong driver.
Ang petisyon na sumusuporta sa Grab at Uber ay nakapangalap na ng nasa 50,000 lagda makaraang umani ng batikos sa social media ang sinasabing desisyon ng L.T.F.R.B.
Ayon kay L.T.F.R.B. Board member at Spokesperson, Atty. Aileen Lizada, wala pa silang inilalabas na kautusan laban sa mga colorum na T.N.C. lalo sa mga Grab at Uber driver na walang lisensya.
Dapat anyang ipaliwanag muna ng mga nasabing T.N.C. kung bakit pinayagan nilang pumasada ang ilan sa kanilang unit nang walang kaukulang mga permit.
Sa katunayan ay hindi muna manghuhuli ang L.T.F.R.B. ng mga undocumented Grab at Uber driver hanggang Hulyo 26 upang magkaroon ng panahon ang mga T.N.C. na ayusin ang kanilang problema.
Ibinabala naman ni Lizada na kung mabibigo ang Grab at Uber na sumunod sa regulasyon o lumampas sa itinakdang petsa, malalagay sa alanganin ang kanilang mga accreditation.
By: Drew Nacino
LTFRB nanindigan na di magpapa-apekto sa on-line petition ng mga TNC was last modified: July 18th, 2017 by DWIZ 882