Tapos na ang maliligayang araw ng mga nagsisiga-sigaan sa kalsada.
Ito ang babala ni bagong Land Transportation Office Chairman at Assistant Secretary Markus Lacanilao sa gitna ng kaliwa’t kanang road rage incidents.
Kabilang sa mga tinukoy ni Asec. Lacanilao ang kinasangkutan ni Transportation Undersecretary Ricardo “Ricky” Alfonso na gumamit ng protocol plate at V.I.P. blinker, at kaso ng isang electric vehicle driver na nangbangga ng menor de edad na motorcycle rider sa Teresa, Rizal.
Iginiit ng hepe ng L.T.O. na disiplina ang dapat umiral sa kalsada at hindi na niya papayagang maghari-harian ang ilang bugok at balasubas na motorista.
Tiniyak din ni Lacanilao na hindi niya sasantuhin ang sinumang lumalabag sa batas-trapiko kahit pa kanyang kasamahan sa gobyerno.