Patuloy na nakakatanggap ng iba’t ibang tulong mula sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga magsasakang apektado ng El Niño phenomenon sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at iba pang mga rehiyon.
Ayon kay Presidential Communications Assistant Secretary Joey Villarama, halos 4,000 na magsasaka ang apektado ng naturang dry spell sa dalawang rehiyon.
Aniya, patuloy silang binibigyan ng administrasyon ng mga binhi, alagang hayop, proteksyong panlipunan, at tulong pinansyal. Inaayos na rin ang irrigation canals at ang mga kagamitang pansaka.
Dagdag pa ng Task Force El Niño spokesman, sinisikap ng pamahalaang pabutihin ang sitwasyon sa 41 na probinsyang apektado ng El Niño.
Pagtitiyak ni Asec. Villarama, nakatanggap na ng interventions mula sa National Irrigation Administration (NIA) at Department of Agriculture (DA) ang karamihan sa mga lugar na apektado ng tagtuyot sa Luzon.