Sa papalapit na eleksyon, tila nagiging mas kritikal na ang mga Pilipino pagdating sa pagpili ng iboboto. Napatunayan yan sa isinagawang survey kamakailan lang kung saan lumalabas na ang mga botante, sabik nang masolusyunan ang hirap sa paghahanap ng trabaho sa bansa at ang pagkakaroon ng kasiguraduhan na mayroon pang maihahaing pagkain sa hapag kinabukasan.
Kung ano ang detalye ng survey, eto.
Nito lamang April 11-14, isinagawa ng social weather stations (SWS) sa 1,800 respondents ang isang survey na kinumisyon ng Stratbase Group na nagresulta sa mataas na bilang na 93% ang mga Pilipinong nagsabing iboboto nila ang mga kandidato na gagawing prayoridad ang pagpapalawak ng job opportunities at pagpapaunlad ng agrikultura at food security sa bansa.
Pumangatlo naman sa listahan ang pagpapalakas ng health care system sa bansa na nakakuha ng 91% mula sa mga botante.
Ayon sa sws, ito ang mga pangunahing ikinababahala ng mga Pilipino simula pa noong January.
Sumunod sa ika-apat at ika-limang pwesto ang pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa at OFW, at pagpapababa ng kaso ng poverty at hunger na nakakuha ng 88 at 87 percent.
Sinabi naman ni Stratbase President Dindo Manhit na hindi na nakakapagtakang prayoridad ng mga Pilipino ang mga nasabing problema sa kabila ng lumalalang inflation sa bansa.
Nagpaalala rin si Manhit sa mga bontante na maging mapanuri pagdating sa plataporma at mga nagawa na ng mga kandidato.
Patunay ang mga numero na ito na ang bawat Pilipino ay may kaniya-kaniyang references at suliranin na kinakaharap araw-araw. Ang pagkakapareho lang ng mga ito ay ang masidhing kagustuhan na makakita ng pagbabago, progreso, at magkaroon ng kasiguraduhan na ang kanilang mga hinaing ay maririnig.
Ikaw, botante ka na ba? Kung oo, ano ang platapormang hinahanap mo para iboto ang isang kandidato?