Nag-viral kamakailan ang mga interview ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya kung saan ibinida nila ang kanilang luxury cars at kung paano nila nabago ang buhay nila sa tulong ng kanilang mga negosyo.
Pero dito rin mismo nag-ugat ang mga isinasagawa ngayong imbestigasyon sa ari-arian ng mag-asawa, lalo na at sangkot ang mga ito sa ilang linggo nang pinag-uusapang mga substandard o ghost flood control projects.
Tila natututo na ngang lumaban ngayon ang mga pilipino dahil lantaran at aktibo nang kinekwestyon ng marami, partikular na ng mga tax payers, ang yaman ng pamilya Discaya, kung kaya nga nakasubaybay ang mga ito sa mga ongoing investigations matapos mapabilang ang mga kumpanya ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya sa top 15 contractors na nakakuha umano ng flood control projects na Alpha And Omega General Contractor and Development Corporation at St. Timothy Construction Corporation na ngayon ay binawian na ng lisensya.
At eto na nga, para mas mabusisi nang maigi ang mga ibinalandrang ari-arian ng mag-asawa, kasali na rin ang Bureau of Internal Revenue sa mga nag-iimbestiga sa kanila.
Sa opisyal na panayam sa DWIZ, sinabi ni BIR Commissioner Atty. Romeo Lumagui Jr., na mayroon nang naunang reklamo sa mga Discaya kung kaya matagal na nila itong iniimbestigahan.
Sa pagkakataon na to, mukhang wala na talagang makakalusot dahil sinabi ni Commissioner Lumagui na maging ang mga government officials na involved sa isyu ay kabilang na rin sa mga iimbestigahan.
Pero take note, nilinaw ni Commissioner Lumagui na ang saklaw lang ng imbestigasyon ng BIR ay para alamin kung tumutugma ba ang halaga ng kinikita ng mga sangkot sa mga ibinibida nilang ari-arian at kung nagbabayad ba ang mga ito ng tamang buwis.