Nakasanayan na natin ang makakita ng mga aso in action o ‘yung mga tinatawag na K-9 dogs. Pero maniniwala ka ba na ang mga gansa ay mayroon din palang mabigat na responsibilidad? Dahil katulad ng mga aso, naninilbihan din pala ang mga gansa bilang sekyu sa isang kulungan sa Brazil.
Kung bakit ang mga gansa ang napiling additional security, eto.
Taong 2009 nang magsimulang manilbihan ang mga gansa, partikular na ang mga sentinel geese, sa Sao Pedro De Alcantara Penitentiary na matatagpuan sa isang remote state sa Southern Brazil na Santa Catarina.
Kung bakit mas pinili nila ang mga gansa kaysa sa mga K-9 dogs? Sa isang pahayag sinabi ng prison guard na si Maros Coronetti na ito’y dahil hindi high maintenance ang mga gansa kumpara sa mga aso na kinakailangang dalhin sa beterinaryo at hindi kinakailangang i-train at bigyan ng atensyon. Mas nababagay din umano ang mga gansa sa uri ng kanilang trabaho.
Pinatunayan yan ng zoologist mula sa Federal University of Santa Catarina na si Guilherme Renzo Rocha Brito na matagal nang ginagawang bantay ang mga gansa. Alerto raw ang mga ito at talagang nag-iingay sa tuwing may nambubulabog.
Bagama’t mayroong mga roving guards at 200 CCTVS ang naka-install sa mga towers ng nasabing penitentiary, inatasan pa rin ang mga gansa naging first line of defense o magiging responsible sa pagbabantay kung sakali man na mayroong prisoner na magtatangkang tumakas.
Samantala, ayon kay Coronetti, ni minsan ay wala pa umanong nagtangkang tumakas pero sigurado na magagawa ng mga gansa ang kanilang trabaho kung sakali man na may sumubok sa mga ito.
Sa mga may alagang gansa diyan, naoobserbahan niyo ba na mayroong skills ang mga alaga niyo para maging isang sekyu?