Buhay na buhay ang pagbabayanihan sa mga estudyante mula sa Brazil na pinatunayang ang bawat barya ay may halaga lalo na kapag pinagsama-sama. Ang mga estudyante kasi na ito, nag-ambagan, hindi para bilhan ng regalo ang kanilang teacher para sa teacher’s day kundi para ibigay mismo ang nalikom nilang pera sa kanilang guro matapos mapag-alamang hindi pala ito sumusweldo.
Kung magkano ang nalikom ng mga bata, eto.
Ang isang schoolday na inakala ng professor na si Bruno Paiva mula sa Brazil na isang tipikal na araw lamang, punung-puno pala ng surpresa na ihahatid sa kaniya ng mga estudyante.
Pagkapasok kasi ni Bruno sa classroom, agad niyang naramdaman na mayroong kakaiba sa ikinikilos ng kaniyang mga estudyante.
Sa halip na magsimula ang kanilang klase, niyaya muna ng mga students si Bruno na maglaro sa loob ng classroom.
Bagama’t dalawang buwan pa lang noon na nagtatrabaho si Bruno sa kanilang eskwelahan, agad na naging close ang music teacher sa kaniyang mga estudyante.
Sa sobrang closeness ng mga ito, nag-ambagan pa ang mga estudyante para sa kanilang teacher nang madiskubre ng mga ito na nang magsimulang magtrabaho si Bruno sa kanilang paaralan ay hindi pa ito sumasahod. Napag-alaman din nila na natutulog lang ito sa isa sa mga classrooms dahil hindi nito afford na mag-renta ng matutuluyan.
Dahil sa kakapusan, nangamba si Bruno tungkol sa pag-iwan sa minamahal niyang trabaho, lalo na at wala umano siyang ibang pinangarap kundi ang maging isang teacher. Kinakailangan umano kasing magtrabaho ni Bruno sa eskwelahan sa loob ng tatlong buwan bago makatanggap ng kaniyang unang paycheck.
Ang mga mabubuting estudyante, nakalikom ng 400 Brazilian reals na nagpaluha kay Bruno dahil pakiramdam daw niya ay pinoprotektahan siya ng kaniyang mga estudyante.
Samantala, ayon sa social media post ni Bruno noong 2023, sinabi niya na 2018 pa nang baguhin ng mga estudyante ang kaniyang buhay at malayung-malayo na ang sitwasyon niya mula rito.
Sa mga estudyante riyan, willing din ba kayong gumawa ng maliit na sakripisyo para sa ikalawa niyong mga magulang?