Ni minsan ba ay sumagi sa isip mo na pumasok sa bilangguan para makatakas sa nakakapagod na buhay? Hindi pa? Pwes, ganyan ang ginagawa ng ilang estudyante at empleyado sa Korea—nagrerenta sila ng kwarto sa mga pekeng kulungan para panandaliang magpahinga mula sa pressure sa eskwelahan at trabaho.
Kung interesado ka rin na magpahinga sa kulungan na ito, ang detalye, eto.
Taong 2013 nang itayo sa Hongcheon, South Korea ang prison inside me, isang facility na tila isang hotel pero idinisenyo para magmukhang bilangguan.
Inilaan ito para sa mga estudyante at empleyado na naghahanap ng pahingahan para panandaliang lumayo sa pressure na dala ng kanilang mga responsibilidad at makapag-disconnect sa stress na dala ng competitive at demanding na academic at work culture.
Ayon sa co-founder na si Noh Ji-Hyong, ang masipag niyang asawa ang inspirasyon kung bakit niya ito ipinatayo. Ang mister niya kasi, madalas ay nagtatrabaho sa loob ng 100 hours kada linggo bilang isang prosecutor.
Nagkakahalaga ng $90 o p5,000 ang 24-hour rent sa nasabing facility. Ang siste sa loob nito, tila mga tunay na bilanggo ang mga magrerenta dahil sa isusuot nilang blue uniform.
Para makapaglibang, maaari nilang gamitin ang ipapahiram na yoga mat, tea set, at ballpen at notebook. Makakatanggap din sila ng mga pagkain katulad ng sweet potato, banana shake, at porridge.
Ang bawat prison cell ay mayroong kaniya-kaniyang banyo, pero wala itong kama kung kaya sa sahig natutulog ang mga kliyente. Sinusurrender din ang mga cellphones at relo ng mga ito para tuluyang makapagpahinga.
Pero bago mapag-isa, binibigyan ang mga kliyente ng pagkakataon na makipag-socialize sa pamamagitan ng paglalaka-lakad sa labas at pagpa-participate sa group meditation. At kapag natapos na nila ang sintensya, makakatanggap sila ng certificate of parole.
Samantala, bagama’t panandaliang nakakulong, sinabi ng isa sa mga naging kliyente ng prison inside na sa kabila ng kaniyang busyness ay nakaramdam siya ng kalayaan sa loob ng fake prison.
Ikaw, gusto mo rin bang magbakasyon sa loob ng bilangguan para panandaliang takasan ang reyalidad?