Iginiit ni House Appropriations Committee Chairman at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na kailangang manatiling malinaw ang mekanismo ng pananagutan sa gitna ng kontrobersiyang kaugnay ng mga “ghost projects” sa flood control programs ng pamahalaan.
Ayon kay Rep. Ridon, nagsimula na ang kanilang komite sa Kongreso na ipatupad ang mga hakbang laban sa mga sangkot na opisyal.
Binigyang-diin din ni Ridon na bagama’t tinanggal na ng Korte Suprema ang pork barrel system, nananatili ang kapangyarihan ng Kongreso at Senado sa tinatawag na congressional initiatives o insertions, bilang bahagi ng “power of the purse” na nakasaad sa Konstitusyon.
Aniya, hindi lahat ng insertions ay masama, lalo na kung nakatuon sa mga pangangailangan ng publiko gaya ng pasilidad sa edukasyon at serbisyong panlipunan. Ngunit nagiging problema aniya ito kapag ginagamit sa substandard projects o ghost projects na pinakikinabangan lamang ng iilan imbes ng taumbayan.