Posibleng dumaan na sa karagdagang driving lessons at pagsusulit ang mga nagnanais kumuha ng professional driver’s license.
Ito ay matapos inihain ng Land Transportation Office ang panukalang pagbabago sa proseso ng aplikasyon.
Sa isinagawang public consultation, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza the Second na isusumite na sa Department of Transportation ang draft proposal.
Sa kasalukuyan, sapat nang makapasa sa theoretical driving exam ang mga aplikanteng kukuha ng professional license para sa light vehicles gaya ng motorsiklo, tricycle, kotse at van. Ngunit sa bagong panukala, kinakailangan munang sumailalim ang mga aplikante sa apat na oras na practical driving course na may kasamang lecture sa road safety at courtesy.
Bukod dito, kailangan ding pumasa ang aplikante sa practical driving test upang masuri ang kanilang aktwal na kakayahan sa pagmamaneho.
Saklaw ng sistema ang lahat ng uri ng sasakyan, kabilang ang motorsiklo, jeepney, bus, at van, upang masiguro ang mas mataas na antas ng kaligtasan sa kalsada.