Opisyal na ngang nag-resign bilang house speaker si Cong. Martin Romualdez matapos ang mahigit tatlong taon niyang pamamalagi sa pwesto.
Pero kamakailan lang ay napuno ng batikos ang kongresista matapos madawit ang kaniyang pangalan sa isyu ng bilyun-bilyong halaga ng flood control projects dahil umano sa pagtanggap nito ng suhol na kaniya namang itinanggi. Bukod pa riyan, idinadawit din siya sa 2025 General Appropriations Act na binansagang most corrupt budget.
Sa pagbaba nito sa pwesto ay ang siya namang pag-upo ni Isabela 6th District Representative Faustino ‘Bojie’ Dy III.
Bagama’t bago ang pangalang ito sa pandinig ng ilan, sinabi ng Political Analyst na si Prof. Edmund Tayao sa opisyal na panayam ng DWIZ na sa palagay niya ay may kakayahan at taglay na karunungan ang bagong leader.
Nagmula man ang bagong House Speaker sa isang local position bilang Vice-Governor ng Isabela at ngayon ay uupo sa fourth highest position sa bansa, sinabi ni Prof. Tayao na sa tingin niya ay hindi ito mahihirapang mag-adjust kung gagampanan nito nang mabuti ang kaniyang trabaho.
Gayunman, natapos na ang inaabangang pagpapalit ng liderato. Ang susunod na lang na aabangan nating mga pilipino ay kung paano tatakbo ang house of representatives sa ilalim ng bagong namumuno.