He was small but terrible. Pinatunayan ng isang maliit na aso sa New Zealand na hindi kailanman masusukat sa laki ang katapangan. Ang aso kasi na ito, buong tapang na nilabanan mag-isa ang dalawang pit bull na umatake sa mga kalaro niyang bata kahit na ang kapalit ay ang mismong buhay niya.
Ang kwento ng katapangan ng maliit na aso na ito, eto.
Nakikipaglaro noon ang siyam na taong gulang na Jack Russell Terrier na si George sa limang bata matapos nilang manggaling sa isang tindahan sa Manaia, New Zealand nang sumulpot sa likuran nila ang dalawang pit bull.
Ayon sa isa sa mga bata na si Richard Rosewarne na noo’y 11-anyos, ang apat na taong gulang niyang kapatid na si Darryl ang target ng mga pit bull.
Bagama’t maliit, walang takot na pinagtanggol ni George ang mga bata. Ayon pa kay Richard, sinubukang itaboy ni George ang mga aso sa pamamagitan ng pagtahol sa mga ito.
Pero ang mga pit bull, agad na umatake at kinagat si George sa ulo at sa likurang bahagi ng kaniyang katawan. Sa tindi ng pinsala sa engkwentro, sinabi ng owner ni George na noo’y 69-anyos na si Alan Gay na tumuklap ang balat ng kawawang aso sa lalamunan, dibdib, at likod.
Sa kasamaang palad, hindi na nailigtas pa ng veterinarian na si Steven Hopkinson ang aso mula sa mga injuries na tinukoy nito na pinakamatinding pinsala na nakita niya.
Matapos nito ay sinurrender ng owner ang mga pit bull sa Dog Control Officers at isinailalim sa euthanasia alinsunod sa kautusan sa kanilang bansa.
Samantala, ilang linggo matapos pumanaw ni George, pinatayuan ito ng rebulto sa Manaia at pinarangalan ng dalawang medalya bilang pag-alala sa katapangan at pagiging selfless ng small but terrible na aso.
Sa mga pet owners diyan, tandaan na hindi natatapos ang pagiging responsible owner sa pagpo-provide ng mga pangangailangan ng mga alaga niyo. kabilang din dito ang paninigurado na hindi magdudulot ng kapahamakan ang inyong mga pets.