TULUYANG kinilala ng Council of Foreign Ministers ng Organization of Islamic Cooperation (CoFM-OIC) ang malawak at lahatang representasyon ng iba’t ibang sektor sa interim government
na nagpapatakbo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nabatid na ang Bangsamoro Transition Authority (BTA), na binubuo ng mga kasaping hinirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang siyang kasalukuyang nangangasiwa sa BARMM habang hindi pa naisasagawa ang regular na halalan para sa mga opisyal ng rehiyon.
Kung matatandaan, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang batas na nagsasaad na ang BARMM parliamentary elections ay gaganapin sa Oktubre 13, 2025.
Batay sa Resolution No. 2 na inaprubahan ng CoFM-OIC sa kanilang ika-51 sesyon noong Hunyo 21–22, 2025 sa Turkey, “ang BTA ngayon ay binubuo ng mga kinatawan mula sa MILF, parehong paksyon ng MNLF, at mula rin sa iba’t ibang sektor ng Bangsamoro, kabilang ang mga katutubong hindi Moro, kababaihan, kabataang Bangsamoro, mga komunidad sa labas ng BARMM, mga pinunong relihiyoso, mga tradisyonal na pinuno, at mga naninirahang Kristiyano sa rehiyon.”
Masaya namang tinanggap ng OIC ang pagkakahirang kay Abdulraof Macacua bilang pansamantalang punong ministro ng BARMM, at kinilala rin ang mahalagang papel ni Al Haj Murad Ebrahim bilang dating pinuno ng rehiyon at ng BTA simula noong Pebrero 2019.
Kasabay nito, batay pa rin sa resolusyon, pinuri ng OIC si PBBM sa kanyang patuloy na pagsisikap upang mapanatili ang pagkakaisa sa rehiyon ng Bangsamoro.
Idiniin ng CoFM-OIC ang “malakas na paninindigan ni Marcos sa pagsusulong ng pagkakaisa, lahatang kaunlarang panlipunan at pangkabuhayan, at mga inisyatiba para sa kapayapaan at pag-unlad sa BARMM.”
Kaya naman, bilang tugon sa pagkilalang ito, sinabi ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo, na nakatutok sa mga isyu at usapin sa Mindanao at Bangsamoro, na lubos na nakatuon ang pamahalaang Pilipinas sa pagpapatupad ng lahat ng nilagdaang kasunduang pangkapayapaan sa MILF, alinsunod sa diwa at nilalaman ng mga ito.
“Ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at ng mga puwersang panseguridad ay sumusunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na iwasan ang anumang hakbanging mag-isa na maaaring makasira o makompromiso ang mga tagumpay ng kapayapaan,” ani Lagdameo.
Hinikayat kasi sa resolusyon ng CoFM-OIC ang pamahalaan ng Pilipinas at ang MILF na ipagpatuloy ang constructive na pakipag-ugnayan sa isat-isa upang maisakatuparan nang lubos ang prosesong pangkapayapaan.