Naniniwala ang ilang ekonomista na maaaring makabawas sa epekto ng mga kalamidad sa bansa ang maayos na pamamahala.
Sa isang commentary ng New York-based think tank na Global Source Partners, iginiit ng mga Pilipinong ekonomistang sina Diwa Guinigundo at Wilhelmina Mañalac na ang mahinang pagtugon ng bansa sa mga natural hazards ay dulot ng mahihinang institusyon at korapsyon sa mga public works.
Ayon sa kanila, malinaw na pinapatay ng korapsyon ang pag-unlad ng bansa, pinahihina ang katatagan ng mamamayan, at sinisira maging ang tiwala ng publiko.
Dagdag pa nila, para sa isang developing country tulad ng Pilipinas, hindi isang moral luxury ang good governance, kundi isang economic necessity.
Giit pa ng mga ekonomista, bagama’t imposibleng mabago ang katayuan ng Pilipinas bilang isa sa mga pinakabantaing bansa sa kalamidad, maaari pa ring mabago kung paano maghanda at mamuno ang pamahalaan sa harap ng mga sakuna.




