Pinayuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pasahero na i-report ang sobrang singil sa pasahe sa mga taxi at ride-hailing services.
Ito’y sa harap ng pagdagsa ng mga pasahero na patungo sa mga istasyon ng bus at sa iba pang transport hubs para sa paggunita ng Undas.
Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II na inaasahang tutugunan ng regional offices ng ahensya ang mga reklamo ng mga pasahero upang tiyakin ang ligtas at maginhawang paglalakbay ng mga Pilipino.
Makikipag-ugnayan aniya ang LTFRB sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan para sa deployment ng bus stations at transport hubs, lalo na sa Metro Manila at iba pang urban areas.
Nangako rin si Chairman Mendoza na ipagpapatuloy ng ahensya ang operasyon laban sa mga abusadong taxi driver at iba pang public utility vehicle drivers sa Ninoy Aquino International Airport.




