Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) ang posibleng legal na hakbang na maaaring gawin laban sa isang US diplomat na dating nakatalaga sa American Embassy sa Maynila na inakusahang nakipagtalik ng isang menor de edad.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang suspek na si Dean Cheves na dating miyembro ng US Foreign Service ay nahaharap sa kasong kriminal sa Estados Unidos bunsod ng umano’y “illicit sexual conduct” sa isang labing-anim na taong gulang na dalagita at “possession of child pornographic materials” noong nasa Pilipinas pa ito.
Batay sa rekord ng korte, nakilala ni Cheves ang dalagita sa social media at sinasabing nakipagtalik dito ng dalawang beses.
Maliban dito, kinunan din umano ng video ni Cheves ang mga ginawa nitong kahalayan sa biktima.