Mahirap ang mawalan ng trabaho, lalo na kung hindi mo ito napaghandaan. pero ibahin niyo ang lalaking ito sa Auckland na inabisuhan pa ng kaniyang boss na magsama ng support person sa kanilang meeting dahil nakatakda pala itong tanggalin sa trabaho. Para pagaanin ang loob ng lalaki, nagsama siya ng clown sa opisina.
Kung nagawa nga ba nang maayos ng clown ang trabaho niya, eto.
Nakatanggap ng email mula sa kaniyang boss ang lalaking kinilalang Si Josh Jack mula sa Auckland kung saan sinasabing kinakailangan nilang pag-usapan sa isang meeting ang kaniyang posisyon sa trabaho.
Bukod diyan, inabisuhan din si Josh na magsama ng support person sa meeting, kung kaya sumagi sa isip nito na dalawa lang ang posibleng mangyari: mapo-promote siya o masisesante.
Sa isang litrato, makikita si Josh sa isang kwarto na masinsinang nakikipag-usap sa dalawa niyang employers kasama ang napili niyang isama na support person na clown.
Ang nirentahang clown, tila nasa isang children’s party lang at gumawa pa ng lobo na hugis unicorn at poodle habang nasa kalagitnaan ng meeting.
Ayon kay Josh, maya’t-maya nilang pinagsabihan ang clown dahil may kaingayan ito habang gumagawa ng lobo.
Gayunpaman, mabuti na lang at nagawa pa rin ng clown ang kaniyang trabaho na magbigay aliw kahit na wala ito sa isang party, lalo na at tuluyan ngang sinesante si Josh.
Bagama’t natanggal ang lalaki sa trabaho, nagpasalamat pa umano ang kaniyang mga boss dahil nagawa niyang pagaanin at lagyan ng twist ang isa sanang mabigat na meeting.
Sa mga natanggal sa trabaho diyan, ano ang ginawa niyong coping mechanism matapos kayong sibakin sa posisyon?