Ang payo nga ng matatanda sa mga kabataan, ang pag-aasawa ay hindi parang kanin na isusubo at kapag napaso, iluluwa. Pero applicable ba ang kasabihan na ito sa indonesian man na nag-viral matapos magpakasal sa isang rice cooker pero agad ding nakipaghiwalay makalipas lang ng apat na araw dahil limited lang umano ang kaya nitong iluto?
Ang kwento ng napakaigsing married life ng isang tao at ng isang kitchen appliance, eto.
Hindi na bago sa atin ang makarinig ng kwento kung saan nagpapakasal ang isang tao sa mga non-living things katulad ng manika. Pero sa kwentong ito, rice cooker naman ang pinakasalan ng isang lalaki. Para mas palalain pa ang sitwasyon, hiniwalayan niyo ito dahil din sa mismong rason kung bakit niya ito pinakasalan.
Umabot ng halos 10k reactions ang social media post ni Khoirul Anam mula sa Magelang, Java Indonesia nang inanunsyo nito ang pag-iisang dibdib nila ng isang rice cooker kung saan makikita sa mga picture ang magarang kasuotan ng groom at ang veil na suot ng bride.
Bukod sa pagpirma ni Khoirul sa kanilang marriage contract, they also sealed it with a kiss.
Ayon sa caption ng post, nagustuhan ni Khoirul ang pagiging tahimik, masunurin, at ang galing ng rice cooker sa pagluluto.
Pero ang tila matamis na pagsasama ng dalawa, agad ding pumait dahil apat na araw lang ang lumipas matapos ang kasal, nakipaghiwalay lang din si Khoirul dahil umano tanging kanin lang ang kaya nitong iluto.
Pero bago pa kayo mainis sa mabilis na pagbitiw ni Khoirul sa kanilang relasyon, dapat niyong malaman na isa lang entertainment stunt ang ginawa nitong pagpapakasal sa rice cooker.
Ayon sa mga report, kilalang personality si Khoirul sa Indonesia dahil sa paggawa nito ng mga entertaining content. Pero ang kwentong ito ay isang patunay na hindi dapat paniwalaan ang lahat ng nakikita natin sa social media.
Ikaw, may balak ka rin bang magpakasal? Tandaan, siguraduhin muna na desidido ka na at make sure na tao ang pakakasalan mo.



