Ika nga nila, kung sino pa ang walang-wala, sila pa ang maituturing na tunay na mayaman dahil walang pag-aalinlangan ang mga ito sa pagtulong sa mga katulad nila na nangangailangan. Katulad ng lalaking ito sa China na halos wala ng matira para sa kaniyang sarili at mas inuuna ang kapakanan ng ibang tao kahit na siya mismo ay nangangailangan din ng kalinga.
Ang kwento ng lalaking may malaking puso, eto.
Nabubuhay ang 32-anyos na si Hu Lei mula sa Ningxia Hui sa Northwestern China sa pamamagitan ng pamumulot ng mga gamit na kaniya namang inire-recycle at ibinebenta sa gilid ng kalsada.
Sa pamamagitan nito, nagawang makaipon at makapag-donate ni Hu ng one million yuan o may katumbas na mahigit 7.8 million pesos sa 500 mahihirap na mga estudyante mula noong 2008 hanggang 2023.
Pero ang lalaking may napakalaking puso, na-diagnose pala ng polio sa pagkabata, kung kaya mas hinahangaan ito ngayon at binansagan pa na Kneeling Giant.
Bukod sa mga estudyante, muli na namang nagpamahagi ng tulong si Hu sa mga nasalanta ng baha sa Rongjiang County kung saan mahigit isandaang libong mga residente ang naapektuhan.
Si Hu, nag-donate lang naman ng 5,000 kilos ng bigas, 500 kahon ng instant noodles, bottled water, 100 mga torch, at 2,000 pares ng gloves. Pati ang kaniyang mga kaibigan, namahagi rin ng mga relief packs, at ang nagastos nilang magkakaibigan, kung susumahin ay umabot ito ng 75,000 yuan o mahigit 500,000 pesos.
Ang matulunging lalaki, nakatanggap ng papuri sa social media. Mayroon pang nagsabi na bagama’t hindi makatayo at nakaluhod ang lalaki dahil sa kondisyon nito, deserve nito na tingalain at respetuhin.
Samantala, ayon kay Hu, ipagpapatuloy niya pa rin ang pagtulong sa ibang tao kahit na siya mismo ay maraming iniindang sakit, at nakakatanggap naman daw siya ng buwanang subsidy mula sa gobyerno para sa mga may kapansanan.
Sa mga nangangarap na magsagawa ng charity works diyan, ano pang hinihintay niyo? Tandaan, hindi mo kailangang maging mayaman para tumulong sa mga nangangailangan. Ang kailangan mo lang ay mabuting kalooban.