Kung mahilig kang tumaya sa lotto, pakinggan mo ang kwento na ito at baka mabuhayan pa ang loob mo. Ang isang mister kasi sa New Jersey, yumaman nang ganun-ganon lang matapos itaya sa lotto ang pera na nakuha niya nang utusan siya ng kaniyang misis na magpa-refund.
Kung magkano ang naiuwing pera ng lalaki, eto.
Nautusan ang noo’y 56-anyos na lalaki mula sa New Jersey na si Tayeb Souami ng kaniyang misis na ibalik sa grocery ang binili nitong isang bote ng orange juice na nagkakahalaga ng $5 dollars o mahigit 200 pesos dahil masyado umano itong mahal.
Sinabihan siya ng kaniyang misis na manghingi ng refund at nakita umano nito na naka-sale ang nasabing orange juice sa ibang tindahan.
Habang nasa grocery store, nakita ni Souami sa isang signage ang jackpot price sa lotto na $306 million o mahigit 17 billion pesos.
Gamit ang refund money, tumaya si Souami at bumili ng dalawang lotto tickets bago umuwi sa kanilang bahay.
Kinabukasan habang nasa isang convenience store, nabigo si Souami nang tingnan sa lottery machine nito na hindi pumasok ang mga itinaya niyang numbers sa una niyang ticket.
Pero nang tingnan ni Souami ang mga itinaya niyang numero sa pangalawa niyang lotto ticket, pati ang staff ng convenience store ay napasigaw nang madiskubre na tumama sa lotto ang lalaki at nasungkit pa ang jackpot prize.
Samantala, napabalita pa ang pagkapanalo ni Souami at sinabi sa isang press conference na gagamitin niya ang napanalunan niyang pera para sa pag-aaral ng kaniyang mga anak na nasa kolehiyo noon at bagama’t nagtatrabaho ito bilang isang accountant ay sinabi rin niya hihingi siya ng tulong sa isang financial advisor.
Sa mga regular na tumataya sa lotto diyan, mas ginanahan ba kayong tumaya matapos marinig ang kwentong ito?