Magsisilbing magandang ehemplo ang Kongreso kaugnay sa pagdaraos ng ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior.
Ito ang inaasahan ni Iloilo 1st District Representative Janette Garin kung saan mismong si House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez na ang nagbigay ng direktiba na dapat gawing simple ang pagdaraos ng SONA sa Lunes, July 28.
Mas mainam aniya kung iiwasan ng Kongreso ang magarbong SONA at pagturing dito bilang fashion show.
Iginiit pa ni Congresswoman Garin na hindi masyadong napag-usapan ang paghahanda sa pagkain at inumin ng mga bisita.
Naniniwala ang kongresista na nadadala sa “peer pressure” ang mga mambabatas kaya malaki ang nagagastos lalo na sa damit.
Bukod pa rito, kasama rin aniya sa pinasisimplehan ang mga dekorasyon sa loob ng Batasang Pambansa partikular ang mga bulaklak, kurtina, LEDs, mga bagong upuan, at iba pang procurement ng mga equipment na maaaring magamit sa regular session.
Binigyang-diin pa ni Congresswoman Garin na mas mahalaga pa ring marinig ng mga Pilipino ang mensahe at ulat ng Pangulo sa bayan.
—sa panulat ni Alyssa Quevedo mula kay Geli Mendez (Patrol 30)