Pinangangambahang magresulta sa pang-aabuso ang kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na damputin ang walang suot na face mask.
Ayon ito kay Atty. Jacqueline De Guia, spokesperson ng Commission on Human Rights na nagsabing dapat na maging makatuwiran at makatao ang pag disiplina sa mga lumalabag sa health protocols.
Binigyang diin ni De Guia na hindi malayong magdulot ng panghuhusga at abuso ang naturang kautusan ng pangulo lalo pa’t walang malinaw na panuntunan hinggil dito.
Bukod pa ito aniya sa mas posibleng kumalat ang virus sa loob ng mga siksikang bilangguan at iba pang detention facilities sa bansa kapag nadagdagan pa ang mga ikukulong dahil sa paglabag sa health protocols.
Nababahala rin si ACT Teachers Party List Representative France Castro sa nasabing direktiba ng pangulo na ang nais mangyari ay napakalaking parusa sa mga tao.
Sa halip na arestuhin sinabi ni Castro na ang dapat gawin ng gobyerno ay mamigay na lamang ng face masks.
Tinawag namang military measure ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas ang naturang utos ng pangulo na marami aniyang daldal gayung hindi natutugunan ang tunay na pangangailangan ng mamamayan.