Tinawag na garapalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.
Ayon kay Pangulong Marcos, nababahala na siya sa lawak ng katiwalian dahil hindi na ito itinatago at tila normal na ang pagbubulsa ng pera ng bayan.
Dagdag pa niya, hindi naman daw basta lang lumitaw ang katiwalian kundi deka-dekada nang umuusbong ang ganitong problema, kaya kailangang gumawa ng mas matibay na mekanismo laban dito, kabilang na ang pagpasa ng bagong batas at pagbabago sa sistema ng pamahalaan para hindi na ito maulit.
Sa ngayon, patuloy ang pagbuo ng isang independent commission sa pamamagitan ng executive order para magsagawa ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa Department of Public Works and Highways.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos na kakasuhan ang lahat ng indibidwal at kumpanyang mapapatunayang sangkot sa mga maanomalyang proyekto.