Handa ang liderato ng Kamara na makipagtulungan sa nagbabalik na Senate President na si Sen. Vicente Sotto the Third para sa pagsusulong ng mga reporma at programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez kasabay ng pagpapabot ng pagbati kay Senate President Sotto.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang maraming taong serbisyo, karanasan, at matatag na pamumuno ni Sotto sa Senado ay tiyak na makapagbibigay ng gabay sa mataas na kapulungan sa mapanghamong panahon, partikular na sa mga mambabatas.
Binigyang-diin ng lider ng Kamara na sa ngayon, higit na kailangan ang pagkakaisa ng Senado at Kamara para maihatid ang ginhawa sa taumbayan.
Tiwala si Speaker Romualdez sa liderato ni S.P. Sotto at inaasahan niyang magiging malakas na katuwang ni Pangulong Marcos ang Kongreso para pagsusulong ng Bagong Pilipinas.




