Nagpaabot ng pakikiramay si House Speaker Faustino Dy the Third sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at sa lahat ng naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu at mga karatig-probinsiya.
Ayon kay Speaker Dy, nakikipag-ugnayan na ang Kamara sa mga ahensya, lokal na pamahalaan, at mga kinatawan sa bawat distrito upang malaman ang mga pangangailangan ng mga biktimang naapektuhan ng malakas na lindol.
Layon nitong matiyak na maipararating ang tulong, partikular ang agarang serbisyong medikal at mga pangunahing pangangailangan sa mga lugar na pinaka-tinamaan ng lindol.
Suportado ng lider ng Kamara ang pagsisikap ng mga kongresista na maihatid ang tulong sa kanilang nasasakupan.
Tiniyak ni Speaker Dy na magiging katuwang ang Kongreso sa pagbabalangkas ng mga kinakailangang programa upang matulungan ang mga nasalanta at higit pang mapatatag ang kahandaan ng bansa laban sa mga darating pang sakuna.
Aniya, hindi nag-iisa ang ating mga kababayan sa gitna ng trahedya dahil kaisa ng buong sambayanan ang mababang kapulungan tungo sa pagbangon ng bansa.