Hindi pa kailangang ibalik ang mas mahigpit na border restrictions sa gitna ng pagpasok sa bansa ng 81 kaso ng XBB Omicron sub-variant at 190 XBC variant.
Nilinaw ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na handa naman ang health care system ng bansa kung tataas pa ang mga kaso ng bagong variant.
Ayon kay Vergeire, kahit may mga bagong variant ay napapangasiwaan nang maayos ang hospital admissions at hindi naman napupuno ang mga pagamutan.
Hindi naman anya maaaring magbukas-sara ng borders ngayong panahon lalo’t dalawang taon ng may Covid-19 pandemic sa halip ay dapat masanay nang mamuhay kasama ang virus at marunong mag-adopt kung anuman ang sitwasyon.
Aminado naman ang DOH official na inaasahan na nilang tataas muli ang Covid-19 cases sa pagpasok ng XBB at XBC variants.
Bagaman wala pang indikasyon na mas peligroso o nakahahawa ang mga bagong variant, binigyang-diin naman ni Vergeire ang kahalagahan ng patuloy na pagsunod ng publiko sa minimum health protocols.