Ika nga nila, iba pa rin ang aruga ng isang ina, lalo na sa mga anak na babae. Pero ang batang ito mula sa Utah na maagang naulila sa kaniyang nanay, nakahanap ng mother figure sa kanilang school bus driver na tinulungan siyang maging extra confident sa tuwing papasok sa eskwelahan.
Kung paano ito nagawa ng school bus driver, eto.
Siyam na taong gulang pa lang noon ang batang si Isabella Pieri mula sa Alpine, Utah nang bawian ng buhay ang kaniyang nanay dahil sa isang sakit.
Naiwan si Isabella sa kaniyang tatay na si Philip na maaga namang umaalis sa kanilang bahay para pumasok sa trabaho.
Ngayong nag-iisa na lang ito sa pagtataguyod sa kanilang anak, bukod sa pagsisikap na maibigay ang mga pangangailangan ni Isabella, nakaranas si Philip ng iilang challenges, lalo na at babae ang kaniyang anak.
Ayon kay Philip, pinagupitan niya ng crew cut si Isabella dahil wala siyang ideya kung paano aayusin ang buhok nito. Kung kaya nang muling humaba ang buhok ng bata ay sariling sikap nitong inayusan ang kaniyang buhok ng isang simpleng ponytail.
Pero habang papasok sa eskwelahan, napansin ni Isabella ang kanilang school bus driver na si Tracy Dean na inaayusan ang buhok ng isa sa mga estudyanteng pasahero.
Si Isabella, nag-request sa driver na ayusan din ang kaniyang buhok. Simula noon, araw-araw nang inaayos ni Tracy ang buhok ng bata na sabik na sabik na makita kung ano ang kaniyang magiging hairstyle sa bawat araw.
Samantalang si Tracy naman ay mayroong malalim na koneksyon sa pinagdaanan ni Isabella dahil pinangangambahan niya rin kung sino ang mag-aalaga sa kaniyang mga anak matapos niyang madiskubre na mayroon siyang breast cancer.
Kung kaya ang generous na bus driver, walang pag-aalinlangan sa pagbibigay ng assistance sa kaniyang mga pasahero dahil alam niya na iba pa rin ang kalinga ng isang ina.
Ang kaligayahan na ibinibigay ng mga simpleng hairstyles kay Isabella, kitang-kita ng kaniyang mga teacher dahil kapansin-pansin umano na mas confident na itong pumapasok sa school na siya namang ipinagpapasalamat ng kaniyang tatay.
Sa mga girl-dad diyan, anu-ano ang efforts na ginagawa niyo para masiguro na princess treatment ang ibinibigay niyo sa inyong mga anak na babae?