Ano ang gagawin mo kapag nakakita ka sa kalye ng cheke na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyong piso? Dededmahin mo ba dahil baka social experiment lang ito? Aangkinin mo? O isasauli mo ito kagaya ng ginawa ng isang lalaki mula sa Connecticut? Dahil sa ipinamalas na katapatan ng lalaking ito, mula sa pagiging homeless, nagkaroon ito ng instant home at libreng edukasyon.
Ang kwento ng matapat na lalaki, eto.
Walang pagdadalawang-isip na isinauli ng isang homeless man mula sa New Haven, Connecticut, USA na si Elmer Alvarez ang natagpuan nitong cheque na nagkakahalaga ng $10,000 o mahigit 500,000 pesos.
Kung ang ilan ay sasamantalahin ang pagkakataon, si Elmer, agad na humingi ng tulong sa kaniyang kaibigan para tawagan ang numero na nasa likod ng cheque.
Ayon kay Elmer, ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na pagdiskitahan ang cheque, lalo na at noong araw na yon ay tatlong taon na ang nakakaraan nang magdesisyon siya na magbagong buhay. Si Elmer kasi, nagkaroon na ng criminal record at minsan nang nilabanan ang drug addiction. Matagumpay ding nalampasan ng lalaki ang kaniyang mental illness.
Mabuti na lang at agad nilang natagpuan ang owner ng cheque na si Roberta Hoskie na dati rin palang homeless. Pero ngayon, isa na itong owner ng multi-million dollar real estate company.
Dahil minsan din itong napunta sa sitwasyon ni Elmer, walang pag-aalangan na tinulungan ni roberta ang lalaki na maghanap ng apartment na matitirhan nito, at siya rin ang nagbayad sa pitong buwan nitong renta.
Pero hindi pa diyan nagtatapos ang isinukling kabutihan ni Roberta kay Elmer dahil ipinasok niya rin ito sa kaniyang real estate school.
Kasunod nito ay ang pagtutulungan ng dalawa na bumuo ng transitional house para sa mga homeless teenagers and young adults. In-assign niya rin si Elmer bilang advisor sa kaniyang outreach foundation na nagbibigay ng murang pabahay sa mahihirap na pamilya.
Ikaw, naniniwala ka na rin ba ngayon sa good karma? Tandaan, ang bawat mabuting gawain ay may kapalit na biyaya. Kailangan mo lang maghintay kung kailan ito dadating.