Ano ang una mong iisipin kapag nalalaman mo na kakailanganing mag-emergency landing ng eroplanong sinasakyan mo? Paano pa kapag nalaman mo na lalapag pala kayo sa lugar kung saan maraming mapanganib na hayop? Ganyan ang sinapit ng mga pasahero ng isang eroplano sa Bolivia na tiniis ang presenya ng mga buwaya sa loob ng halos dalawang araw.
Kung nakaligtas ang mga pasahero, eto.
Isang oras nang nasa ere ang isang maliit na eroplano mula sa Baure, Bolivia na patungo sana sa Trinidad, Bolivia nang magkaroon ito ng technical issue.
Dahil dito, napilitan ang eroplano na mag-emergency landing at pabaliktad na lumapag sa isang swamp na pinamumugaran ng mga buwaya.
Ayon sa piloto ng eroplano na si Pablo Andres Velarde, nanatili raw ang mga buwaya sa layong 3-4 meters mula sa pinag-landing-an ng eroplano ngunit hindi naman daw sila nilapitan ng mga ito at ang nakikita niyang dahilan ay ang tumagas na gas sa tubig mula sa eroplano.
Sa loob ng halos dalawang araw, ang naisalba lang daw nilang cassava flour ang nagsilbi nilang survival food at nanatili silang nakatayo sa ibabaw ng eroplano.
Sa tulong ng isang mangingisda, nakaligtas ang mga na-stranded na tatlong babae, isang piloto, at isang bata sa pamamagitan ng ipinadalang helicopter.
Samantala, sinabi naman ng isa sa mga pasahero na si Mirtha Fuentes na labis silang nagpapasalamat sa piloto dahil sa tulong ng bilis nito na mag-isip ng paraan ay nakaligtas sila at tanging mga pasa lang ang tinamo.
Ikaw, ano ang magiging diskarte mo kung sakali na ikaw ang malagay sa kaparehas na sitwasyon?