Inaasahang magagamit na ang testing kits na inimbento ng local scientist mula sa University of the Philippines (UP) National Institute Of Health (NIH) sa gitna na rin ng patuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon ito kay Health Undersecretary Eric Domingo matapos nila aniyang payagan ang paggamit ng mga nasabing testing kits, na isasalang pa rin sa genetic testing para makumpirma ang effectivity nito.
“Natingnan naman po natin at maganda naman po yung accuracy, tapos pinayagan na po natin na gamitin pero meron parin pong confirmation testing po na tinatawag na ‘genetic testing’ na kasabay para po talagang sigurado ang resulta,“ Ani Health Undersecretary Eric Domingo, sa panayam ng DWIZ
Kasabay nito, ipinabatid sa DWIZ ni Domingo na magdaragdag pa sila ng isa pang testing center bilang paghahanda na rin sa posibleng pag akyat pa ng COVID-19 cases.
Gayunman, nilinaw ni Domingo na wala pang naipapadalang testing kits sa mga lalawigan.
“Sa ngayon po dito pa lamang po sa UP NIH, ang testing po natin ngayon sa isang lugar lang sa RITM so magdadagdag pa po tayo ng isa pang testing center, para po kung sakali dumami man ang mga kailangan i-test, eh maging ready po ang ating pamahalaan,” Ani Health Undersecretary Eric Domingo, sa panayam ng DWIZ