Kinumpirma ni Independent Commission for Infrastructure executive director Brian Keith Hosaka na walang magaganap na livestreaming sa kanilang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay executive director Hosaka, ang imbestigasyon ng I.C.I. ay isang proseso kung saan hindi maaaring ilabas ang mga maliliit na rebelasyon kaugnay sa naturang kontrobersya.
Delikado aniya kung ila-livestream ang kanilang imbestigasyon dahil ang bawat pahayag na kanilang natatanggap ay dapat pang beripikahin.
Dagdag pa ni executive director Hosaka, posible ring magkamali ng intindi ang publiko sa mga ibinubunyag sa pagdinig, sakaling i-livestream ito. Nais pigilan ng I.C.I. official ang pagkalat ng maling interpretasyon dahil gusto aniya ng komisyon na paniwalaan ng publiko ang sistema at ang I.C.I.
Tiniyak naman ni executive director Hosaka na sinusuri nilang mabuti ang kredibilidad ng bawat testimonyang ibinabato sa kanila.