Umapela ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan sa Korte Suprema na atasan ang Kongreso na busisiin ang ligalidad ng pagdideklara ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Pinangunahan ni dating Solicitor General Florin Hilbay ang paghahain ng ikalawang petisyon na kumukuwesyon sa deklarasyon at iginiit ang pagkakaroon ng joint session ng lehislatura.
Kasama rin ni Hilbay bilang petitioner sina dating Senador Renato Saguisag, dating CHR Chairperson Etta Rosales, dating COMELEC Chairman at Constitutionalist na si Christian Monsod, ang nakakulong na si Senadora Leila de Lima at ang mga abogadong sina atty. Alex Padilla at Atty Rene Ballesteros.
Una nang nanindigan sina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez na magkakaroon lamang ng joint session ang dalawang kapulungan kung balak na nilang tanggalin at wakasan ang batas militar alinsunod sa itinadhana ng Article 7, Section 18 ng saligang batas.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo