Kinalampag ng isang mambabatas ang Independent Commission for Infrastructure na agarang imbestigahan ang QM Builders, isa sa top 15 contractors na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng flood control scam.
Kasunod ito ng nararanasang malawakang pagbaha sa Cebu, kung saan maraming pamilya ang naapektuhan bunsod ng iniwang pinsala ng Bagyong Tino.
Ayon kay House Infrastructure Committee Chairperson at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, dapat nang paspasan ng ICI ang pagsisiyasat sa papel ng QM Builders dahil sa matinding epekto ng baha na naranasan sa kasagsagan ng bagyo.
Sinabi ni Rep. Ridon na kung sangkot sa mga ghost project at substandard projects ang QM Builders, hindi malayo na ang sinapit sa Bulacan ay nararanasan na ngayon sa Cebu.
Dagdag pa ng kongresista, halos patapos na ang imbestigasyon ng ICI sa Bulacan kaya “eye opener” na isunod ang Cebu dahil baka hindi lamang QM Builders ang sangkot sa mga palpak at maanomalyang flood control projects sa Visayas region.




