Siniguro ng Malacañang na sisilipin ng pamahalaan ang mga posibleng dahilan ng matinding pagbaha sa ilang rehiyon na sinalanta ng bagyong Tino, kabilang ang isyu ng flood control projects, deforestation, quarrying, at unregulated development sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources upang alamin kung ang pagbaha ay dulot lamang ng kalamidad o kung may kinalaman din ang kapabayaan at pang-aabuso sa kalikasan.
Bagama’t wala pang pormal na direktiba mula sa Pangulo, ipinunto ni Usec. Castro na malinaw na ang mga ahensya ng pamahalaan ay may mandato na suriin at tugunan ang mga gawaing nakaaapekto sa kaligtasan ng publiko at sa pangangalaga ng kapaligiran, lalo na sa panahon ng sakuna.




