Ipinaubaya na ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa Department of Justice o DOJ at Independent Commission for Infrastructure o ICI ang kasong kinakaharap ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
Ito ang sinabi ng lider ng Kamara matapos magbitiw si Co bilang miyembro ng Mababang Kapulungan.
Ayon kay Speaker Dy, wala nang hurisdiksiyon ang House of Representatives kay Co dahil sa paghahain nito ng resignation letter sa Office of the Speaker at House Committee on Ethics and Privileges.
Sinabi ni Speaker Dy na nabigla ang mga mambabatas sa Kamara sa ginawang hakbang ni Co kung saan, ngayon rin ang huling araw ng palugit sa 10-day period na ibinigay ng Kamara kay Co para umuwi ng Pilipinas.
Ipinunto ni Speaker Dy na plano na sana ng Ethics Committee na ia-address at isalang ang inihain na kaso kay Co at kanyang inihiling na sana’y suspindehin ang kongresista hanggang sa ma-expel kung hindi pa rin aniya ito makikipag-ugnayan sa Kamara.
Binigyang-diin ni Speaker Dy ang pangangailangan na makauwi ng bansa si Co at panagutin sa mga paratang na ibinabato laban sa kanya.